Lunes, Hunyo 10, 2013

#8-PANANAGUTAN PARA SA KALAYAAN


"Araw ng Independencia"

"MALAYA ANG PILIPINAS"

Napakadaling sabihin pero mahirap namang patunayan.

Malaya nga pero hindi naman garantisado ang magandang buhay.

Malaya lang ba tayo dahil hindi na tayo nasasakupan ng mga banyaga?

o ang realidad nito ay sadyang nakakulong parin tayo sa sarili nating bansa?

Totoo nga ba?

Pero isipin mo, masayang mabuhay kapag malaya ka, diba?

Paano nalang kaya kung nasa kamay parin tayo ng ibang lahi, mas mainam ba?

Pero iba na ang sistema ngayon, tanggapin nalang natin.

Ang mahalaga niyan, hindi tayo napapahamak.

Bagama't mga taong sinasamantala ang kalayaan, mas maigi parin na alamin natin ang limitasyon natin.

Maraming bansa ang hindi pa talaga nakakamit ang kalayaan nila, masuwerte pa nga tayo't may mga batas pa tayo na nagtatanggol sa kapakanan natin.

Tandaan natin na ang kaakibat ng pagiging malaya ay ang pagiging responsable sa lahat ng gawain natin.

Maging Pilipino tayo sa bansang Pilipinas.

Huwag nating hayaang mauwi sa lahat ang pagsisikap ng mga sinaunang rebolusyon at paghihimagsik.

Maging bayani tayo, kasi tayo rin naman ang makikinabang sa pribiliheyong ito.

"Mas masayang mabuhay sa mundong malaya ang iyong puso't isipan, sapagkat sa pamamagitan ng kalayaang ito, maaari mo rin mapalaya ang iba pang nakapiit."


(credits to the respective owner)

Huwebes, Mayo 23, 2013

#7-MANHID

Gusto kong simulan ang post na ito sa isang kasabihan ni Bob Ong.

“Walang taong manhid. Hindi lang talaga maintindihan kung ano ang gusto mong iparating dahil ayaw mo siyang diretsuhin.”

Paano ko didiretsuhin?

Paano ko sasabihin?

Paano kung hindi kami parehas ng nararamdaman?

Paano ako magkakaroon ng lakas ng loob?

Ang hirap kaya. Para akong nagtutulak ng isang toneladang bato nun eh.

Oo alam kong maaga pa para dito, pero gusto ko lang ilabas 'yung nararamdaman ko.

May isang lalaki kasing nagpagulo ng utak ko.

Siguro kung nababasa mo 'to, malamang matatamaan ka.

Puwera nalang kung manhid ka talaga?

Alam mo kahit hindi pa kita nakikita sa personal, tinamaan ako eh.

Wala naman sigurong masama doon, diba?

Alam mo kung puwede lang kitang guluhin maghapon eh.

Minsan nga iniisip ko, sana naging lalake nalang ako. Hindi bagay sa'kin maging torpe eh.
Pero siguro dahil sa babae ako at medyo maarte, gusto ko ikaw parin ang maunang umamin.

AS IF NAMANG MAY GUSTO KA SA'KIN, 'DI BA?

Kaya ayun. 
Nganga magdamag. 
Kain hangin. 
Lamon graba.
Laslas batok.

Nasasaktan ako kapag may nababasa ako sa timeline mo.
Naiinis ako kapag hindi mo ako pinapansin.
Gusto ko nagrereply ka palagi.

Sa totoo nga, never mo 'atang napansin 'yung mga pagseseryoso ko eh.

Sa mata mo kasi isa akong dakilang "tripper"

May gusto lang sana akong sabihin sa'yo. Sorry.

Sorry kung makulit ako.
Sorry kung masyado akong agresibo.
Sorry kung binigyan ko ng malisya 'yung mga biro mo.
Sorry talaga kung napamahal ako sa'yo kahit sa maikling panahon lang.

Eto pa. Thank you.

Thank you kasi pinansin mo ako.
Thank you kasi kahit papaano binigyan mo ako ng chance na mapasaya ka.
Thank you kasi napangiti mo ulit ako.

Pero hindi naman ako tanga para umasa eh.

Hindi naman ako martyr na maghihintay sa'yo para magustuhan mo rin ako eh.
Hindi naman ako tipo ng taong laging umaasa at nag-eexpect ng malaking bagay.
Ayokong napipilitan ka sa'kin.

Kaya ngayon, nailabas ko na lahat ng hinanakit at pagmamahal ko.

Panahon na siguro para tumigil ako sa kahibangan kong 'to.
Kailangan ko na sigurong tanggapin na hindi mo ako kayang magustuhan.
Siguro nga ako lang talaga 'yung nag-assume.

Last nalang 'to.

Basta! Salamat nalang talaga sa lahat lahat.
Kahit na hindi mo ako nagustuhan kahit katiting lang.

Bitter na kung bitter.
Eh wala eh  \_(-___-)_/


Ingat ka nalang palagi.
Ang corny ko na. Ang mais na masyado, kadiri.

Nagmamahal palihim,
Hillary.



Sabado, Mayo 11, 2013

#6- PARA KAY NANAY


"Anak, maghugas ka ng mga pinggan."
"Anak, ang dumi ng kuwarto mo, parang dinaanan ng bagyo."
"Anak, papunta ka palang, pabalik na ako."

Nakarelate ka ba?
Malamang, kaunti lang 'yan sa mga paboritong linya ng mga nanay natin eh.

Mother's day na!
Anong balak mong gawin?

Magdota?
Magtext?
Magfacebook?

Ipagpaliban muna natin 'yan!
Kahit isang araw lang.

Bigyan natin ng karangalan ang mga nanay natin.
Ipakita natin na mayroon silang anak na proud na proud sa kanila.
Ipadama natin na may kaagapay sila kahit gaano pa kahirap ang buhay.

Masuwerte pa ang karamihan sa'tin dahil may mga nanay pa tayo.
'Yung iba, nangungulila na.

Kaya huwag na huwag niyo sasayangin ang pagkakataon habang nabubuhay pa sila.

Alam nating darating din ang dapit-hapon nila.

Kaya habang naririto pa sila, subukan natin maging mabait na anak.
Huwag naman sana natin sila bigyan ng sakit ng ulo.

Magpasalamat tayo kasi may nanay tayong all-in-one

May nurse tayo nag-aalaga sa'tin kahit gaano pa kalala ang sakit natin.
May soundtrip tayong sermon tuwing umaga.
May lawyer tayong nagtatanggol laban sa mga umaaway sa'tin.
May nanay tayong daig pa ang chef dahil sa sobrang sarap magluto.

At higit sa lahat...

May bestfriend tayo sa lahat ng oras.

Ang mga nanay, kahit kailan hindi tayo iiwan niyan.
Kahit gaano tayo kagago at sobrang pasaway.

Siya 'yung taong nagiging super number 1 fan mo kapag may achievement ka.
Siya 'yung supporter mo kapag may gusto kang gawin.

Ni minsan hindi 'yan mawawalan ng tiwala sa'yo.

"Anak, kaya mo 'yan."

Hinding-hindi sila mawawala sa inyo.

Alam mo kung bakit?

Kasi mahal na mahal ka niya higit pa anomang bagay sa mundo.

Mas mahal ka pa niya kesa sa tatay mo.

Sa totoo lang, kulang ang habang buhay para pasalamatan sila.

Sa lahat ng kabayanihang ginawa nila.

Kaya tayo, mga pare. Huwag nating hayaang mawala ang pagkakataon.

Ako, mahal na mahal ko ang nanay ko.






Kahit ganito ako kabarumbado.



HAPPY MOTHER'S DAY!

Huwebes, Mayo 9, 2013

#5- BOTO MO NA PO


"ELEKSYON"

Ikaw, kababayan. Alam mo na ba kung sinong iboboto mo?
Sigurado ka na ba sa mga platapormang inihain niya?
Panalo ka ba talaga sa botong gagawin mo?

Kung hindi pa, tingnan mong maigi ang mga larawan na ito.
Pagmasadan mo ang bawat detalye.
Ano ang napapansin mo?

 (photo source: Hillary Narvaez)
(photo source: Hillary Narvaez)


Mga taong nakatira sa tabi ng riles ng tren?
Mga bahay na nakatirik sa mabakong lupaing hindi naman kanila?
Mga pamilyang umaasa sa pagbabago ng Pilipinas?

Matanong ko nga kayo.

May ginagawa nga ba tayo?

Bakit patuloy nating sinisisi ang pamahalaan hinggil dito?

Bakit hindi tayo nagkukusa?

Ngayon, sino ang totoong may kasalanan?

Tayong mga taong umaasa sa pagbabago pero walang ginagawa?
O ang mga opisyales na nakaupo at laging nangangako pero wala rin namang ginagawa?

Parehas lang, diba?

Labing-anim na taong gulang palang ako pero marami na akong napupuna ukol sa mga nangyayari sa pulitika.

Lalo na't paparating na ang halalan.

Nariyan nanaman ang mga kandidatong handang magpabilad sa sikat ng araw para lang mangampanya...

Pero kapag nahalal na sa puwesto, ni ayaw nang tumayo sa kinauupuan.

Maraming matatamaan dito. Kasi totoo.

May kasalanan din ang mga tao dito.
Alam niyo kung bakit?

KASI SILA ANG BUMOTO.

Sila ang nagshade sa bilog na hugis itlog.

Sila ang naglagay ng balota sa mamahaling PCOS machines.

Sila ang nagpauto sa mga pangako ng mga pekeng kandidato.

Kaya mga parekoy, sa darating na eleksyon...

Tandaan niyo na boses niyo ang boto ninyo.
Kayo ang nagdesisyon para sa kinabukasan ninyo.
Huwag tayong maging inutil.

Sa isang bansa, dapat nagtutulungan ang parehong kampo;
Ang panig ng mamamayang Pilipino at ang panig ng mga mabubuting lider.

"MAGING BOTANTE. HUWAG BOBOtante."

Martes, Mayo 7, 2013

#4- BUHAY KO

Maraming nagsasabi na masayahin daw akong tao.

Sabi nila, parang wala daw akong problema.
Puro nalang daw ako petiks.
Lagi nalang daw akong walang ginagawa.
Bakit daw ako laging nakangiti?

Ang sinasagot ko nalang....

"May alam ba kayo?"

Walang nakakita.
Walang nakarinig.
Walang nakaramdam.
Walang may alam.

Kasi andiyan lang sila kapag nasa akin ang spotlight.
Wala sila kapag pasan ko na ang mga problema.
Nariyan lamang sila kapag may kailangan sila.

Alam ko namang na hindi lahat ng tinuturing kong kaibigan eh totoo.
Aminin mo, may kakilala ka ring ganiyan.

'Yung mga taong ang taas ng tingin sa sarili nila pero sa'yo, sobrang baba.

Nakaranas na ako niyan.
Dahil sa isang pagkakamaling nagawa ko.

Hindi ko na ikekwento pa.
Pero hanggang ngayon ramdam ko parin ang discouragements.

Ang discouragements ng mga guro, kaklase, schoolmates.

Pati na rin 'yung mga kaibigan ko...

Masakit 'yun. Masakit.

Feel ko na wala na akong kakampi nung mga panahon na 'yun.

'Yung pakiramdam na dahil lang sa isang maling nagawa ko,

Nakalimutan na nila lahat ng tamang nagawa ko para sa komunidad na 'yun.
'Yung mga medals, certificates. Lahat 'yun parang pumutok lang na bula sa utak nila.

Ang tingin nila sa'kin noon, masamang tao.
Pabaya.
Walang kuwenta.
Makasarili.

Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko pero ano pa bang magagawa ko?
Lahat sila bulag at bingi na.

Wala na ring sense para lumaban pa.
Kasi 'yung dila ko umurong na.
'Yung lakas ng loob ko, nawala na.

Siguro mga isang buwan din akong nadown noon.
Marami akong nakaaway na estudyante sa school ko.

Pero sabi nga nila, the issue will die on it's own.
Hinayaan ko nalang.

Para akong nasunugan tapos bumangon ulit.
Nirebuild ko ulit ang sarili ko.

Eto, mas naging competetive ako.
Nagsimula ulit ako.

Mas nanalig pa ako sa Diyos.

Alam mo ba ang nangyari?
Ito, naging masayahin ulit ako.

Mas lalo pa nga eh.

Salamat sa mga taong nagdown sa'kin.
Kung hindi dahil sa inyo, wala ako ngayon sa kinalalagyan ko.

Kaya sa mga inaapi diyan, nako.

Huwag kayong susuko.
Pagsubok lang 'yan.

Huwag kang maniniwala sa sasabihin nila.

Kasi ikaw lang naman ang nakakaalam kung gaano ka kagaling at katapang.






Sabado, Mayo 4, 2013

#3- WATERPROOF NA AKO

GOOD NEWS: MAY BAGYO!
BAD NEWS: MAY PASOK....

Isa lang 'yan sa mga sumpa ng bawat kolehiyo.

Ako, incoming freshmen palang ako sa PUP.
Marami akong "what if" sa utak ko.

"What if wala akong maging kaibigan?"
"What if may terror kaming prof?"
"What if may makaaway ako?"
"What if mahikayat ako sa aktibismo?"

Kaunti lang 'yan sa mga kahibangan ko. 
Kaunting kibot nalang at isa na akong Public Administration student.
Kakaharapin ko na ang totoong realidad ng buhay. Ang buhay kolehiyong sobrang layo sa highschool.

Sabi nila hindi ka daw makakatulog kapag college. Hindi na daw talaga petiks gaya ng highschool.
Self-study nalang daw ang paraan mo para makapasa.

May mga prof daw na nagiging ninja kapag bigayan na ng grades.
Mayroon naman daw na mga pahirapan bago makuha ang grades, at minsan hindi mo pa daw deserve ang grades na makukuha mo.

Masaya daw maging college.
Marami kang makikilang iba't ibang uri ng nilalang.
May halimaw, madamot, magaling umutot, bobo sa Math, matalinaw, malalanding babae, at feelingerong mga lalaki.
Pero hindi mo alam, darating diyan ang pag-ibig mo.
'Yung taong mas magpapahirap pa ng buhay college mo.
Ito na nga 'yung mga oras na hindi ka na nga makatulog dahil sa mga projects, may iniisip ka pang tao.

Oh diba, ang ganda ng buhay kolehiyo.
Pero sa totoo lang, lahat na 'yan, pawang narinig ko lang.
Malalaman ko kung  totoo 'yan kapag ako na mismo ang nakaranas ng mga bagay na 'yan.

Pero sa kabila nang lahat ng mga magiging pasakit ng mga professors, may isang bagay akong hinihiling...



Ang maging cumlaude ako.

#2- PAG-IBIG NGA NAMAN OH.

Alam niyo, hindi naman ako tipo ng taong makata o mahilig sa rhymes eh. Pero sinisigurado ko na ang bawat  letrang bibitawan ko ay may bigat at may katuturan. Mahilig akong makiusosyo sa mga ganapin dito sa Pilipinas, pero huwag muna tayo diyan. Gusto ko munang ibahagi sa inyo ang nararamdaman ko ngayon.

Isa lang din akong taong katulad niyo, may puso.
At dahil may puso ako, marunong akong umibig.
Nasaktan na din ako, tulad mo.
Naranasan ko na rin ang rejections at pang-iisnab.
Masakit kaya 'yon; ang hindi pansinin ng taong mahal mo.
'Yung taong nagbigay ng dahilan sa'yo para sumaya ka pa.
'Yung nilalang na dinagdagan pa ang kulay sa mundo mong akala mo, wala nang igaganda pa.

Pero sabi nga nila, lahat may katapusan.
Ang kasiyahang nadarama mo ay pansamantala lamang.
May kirot din sa bawat ngiting binibitaw mo.
Mayroon ding hinagpis sa tuwing ikaw ay tatawa.

Medyo corny pero totoo lahat 'to. Kapag umiibig ka, minsan nga hindi mo na alam ang ginagawa mo eh.
Diba, diba? 

Minsan na din akong nagmahal at nasaktan.
Nung naramdaman ko ang pag-ibig, para akong batang unang binilhan ng paborito kong laruan.
Syempre masaya, sobrang saya!

Dito ko naramdaman 'yung unang kilig. 'Yung "butterflies" na sinasabi nila, naramdaman ko 'yon eh.
'Yung holding hands while walking. Shemay, sobrang nakakahigh.
Tapos 'yung text text sa umaga, magdamagan at walang sawa.
Chat sa FB at wall-to-wall. Masaya 'yon. Masaya.
'Yung mga gala sa mall? Nako.

Pero dumarating ang unos.
Kesyo nariyan ang kerida, tukso, at pagsasawa.
Ayon na nga ang nangyari, nagsawa kami.

Para kaming kumain ng hopia ng tatlong oras at naumay na.
Pinilit kong maibalik 'yung dati pero mahirap na.
Pers love ko eh, syempre mahirap makalimutan 'yon. Nung naghiwalay kami, nakatulala lang ako. Ayaw kong kumain, walang gana sa lahat ng bagay.

Pero huwag niyo akong tularan. Pers love lang 'yon, natural eh.
Nagets kong may pamilya pa ako. Marami akong kaibigang nagbibigay ng payo sa tuwing nadarapa ako.
Mga taong nariyan palagi para subaybayan ako.

 May Diyos.

At dahil naniwala ako sa kakayahan kong kalimutan siya, heto ako ngayon. 
Masaya ulit. Kaibigan ko ang first love ko.
Walang hard feelings, hindi bitter.
Nagmove-on ako kasi gusto ko.

At ngayon, masayang maging single.

-hillary






#1- KAMUSTA KA?

Gumawa ako ng blog dahil marami akong saloobin na hindi ko kayang isapubliko sa mundo ng mga taong makikitid ang utak, walang prinsipyo, at hikahos sa pag-iisip.

Gusto ko lang sanang maglabas ng kung anu-anong nalalaman ko at mga hinaing na nanggagaling rin mismo sa paligid ko.

Maaaring ukol sa pulitika, mga tao, pagkain, pag-ibig, at kung anu-ano pa.

Random 'to, kaibigan.

-hillary